Contributor: Jen C. Magtibay
Kung ako man ang papipiliin, nanaisin ko ring maging kasing yumi at kasing ganda ng isang diwata. At hindi ko na hahangarin pa si Tinkerbell, kasi andito naman si Mariang Makiling.
Marami ang nahihiwagaan sa istorya ng isang mayuming dalagang nakatira sa kabundukan sa Laguna. Bakit kaya niya ninais umalis sa sibilisasyong sinasabing pinangangalagaan nya noon? Sino si Maria Makiling?
Ayon sa sabi-sabi, si Mariang Makiling ay isang magandang dalaga. Maganda na ang ibig sabihin ay may gandang Pilipina: kayumanggi, maitim ang buhok, katamtaman lamang ang tangkad at mayumi. Larawan ng isang babaeng nanaisin ng mga kalalakihang ibigin.
Isa raw siyang tagabantay ng buong kabundukan. Sinasabi na ang lawa ng Laguna ay isa rin sa kanyang mga nasasakupan. Siya ang pinagkukunan ng yaman ng mga tagabundok sapagkat siya ang Dyosa ng kabundukang iyon.
Maraming bersyon ang katauhan ni Mariang Makiling. Nariyan ang namigay raw siya ng luya na nagiging ginto, nangibig sa isang ordinaryong magsasaka ngunit nalaman niyang siya’y pinagmalabisan lamang dahilan upang siya ay umakyat sa pinakamataas na bahagi ng bundok at hindi na nagpakita kahit kailan, ang tatlong Espanyol niyang manliligaw.
Anuman ang bersyon ng kwento ni Mariang Makiling, iisa lamang ang pinag-ugatan nito: pagmamalabis.
Si Maria ay mapagbigay, mapagmahal, maunawain tulad ng isang ina at ng isang kapatid. Ngunit, ang pagmamalabis na kanyang naranasan ay kanyang binawi sa pagbibigay ng mga karampatang parusa sa mga nasasakupan ng bundok. Hindi hinayaan ni Mariang Makiling na masira ang lahat ng kanyang pinaghirapan, hindi niya hinayaang masira ang kanyang reputasyon bilang isang babae.
Mito man, sabi-sabi o may katotohanan ang kwentong ito ni Mariang Makiling, iisa lamang ang nais nitong ipahiwatig. Bilang isang tao, walang sinuman ang dapat magpabaya sa kanyang pinaghirapan. Dapat ay matuto rin tayong lumaban.
Isa lamang si Mariang Makiling sa replika ng mga babaeng huwaran at kanais-nais ibigin. Mayumi ngunit hindi nagpapaapi. Nawa’y lahat ng mga Pilipina’y dala pa rin ang dangal ng isang diwatang tumatak na sa kasaysayan at literatura ng kulturang Pilipino. #
Online Reference: wikipedia.org
Photo Credit: Jen C. Magtibay

ganda naman..nice one jen..keep up the good work..:D