Article Contributed by: Ken Michael Escamillas
Sabi ng iba, tamang tamis at alat ang malalasahan mo kapag kumain ka ng Kesong Puti. Kung ganito nga kasarap, siguradong walang mauumay at paulit-ulit pa na titikman ng lahat ang Kesong puti.
Ang Kesong puti ay isa lamang sa mga kilala at dinadayong pagkain dito sa lalawigan ng Laguna. At saan ka makakabili nito? Syempre dito sa bayan ng Sta. Cruz.
Karaniwang nakabalot ang Kesong Puti sa dahon ng saging na nakasabit sa mga tindahan at mabibili sa murang halaga. Paborito ng mga Lagueño ang kesong puti kung may kasama rin itong mainit na pandesal at kape. Maaari rin pala itong iprito o di kaya’y ilahok sa sa mainit na kanin. Tunay na maraming pagkaing binabagayan ang kesong puti.
At ang nakakatuwa pa rito, mano-mano parin ang paggawa nito. Mula sa mano-manong pagkuha ng gatas sa kalabaw, ang kesong puti ay hindi birong gawin. Kaya naman hindi mawawala ang orihinal na lasa nito.
Dahil dito isa na ang Kesong Puti sa mga tatak ng Sta. Cruz.
Bilang pagpapasalamat, binuo ang Pista ng Kesong Puti na ginaganap tuwing Marso 15 hanggang 19. Ang kasiyahang ito may palaro tulad ng Todo-Todo Gatasan, Walkaton, ipasa ang keso, ang laro ng paramihan ng pagbalot ng kesong puti at marami pang iba na lalong nagpapasaya sa lahat.
Saan ka pa? Dito ka na sa Laguna kung saan doble ang saya at sarap hatid ng kesong puti.
Source: daigdigpinoy.com
Photocredit: autivo.com, filairsot.com
